3 tiklo sa pagpatay sa lider ng task force

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Kalaboso ang binagsakan ng tatlo sa limang magtrotroso na sinasabing mga suspek sa pagpatay sa lider ng Anti-Illegal Logging Task Force makaraang masakote ng mga operatiba ng pulisya sa Ilagan City, Isabela kamakalawa.

Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Allan Soliven, Joel Lozano, at si Rolly Paludipan na pawang nakatira sa nasabing lungsod. Ayon kay P/Senior Supt. Sotero Ramos Jr., inamin ng tatlo ang pagpatay sa 62-anyos na lider ng task force na si Alfredo Ilayat kung saan binaril sa binabantayang checkpoint sa Barangay Villa Imelda noong linggo ng madaling araw.

Nabatid din na pinagbantaan ng  mga suspek ang biktima matapos nitong kumpiskahin ang mga troso mula sa Sierra Madre na ipinaanod sa ilog para maipuslit noong nakalipas na buwan.

Samantala, pinaghahanap naman ang  dalawa pang suspek na sina Richie Baldos at Archie Mabbayad. 

Show comments