14 tiklo sa illegal fishing

CEBU, Philippines - Aabot sa 14-mangingisda ang dinakma ng mga tauhan ng Philippine Navy at iba pang lokal na ahensya ng pamahalaan makaraang maaktuhan sa illegal fishing sa karagatang sakop ng Barangay Sto. Niño sa Toledo City, Cebu, ayon sa ulat kahapon.

Pormal na kinasuhan ang mga susepk na sina Arman Tejas, Jessie Gregas, Glenn Tejas, Elesio Conteñita, Wilson Rago, Ernesto Conteñita, Rolando Paquero, Joseph Osmundo, Leo­nardo Deen, Jennis Lumangtad, Tony Zomo, Tomas Gabito, at si Eigi Ipon, pawang nakatira sa nasabing barangay.

Maging ang may-ari ng Queen Vee fishing vessel  na si Felipe Lumantad ay inaresto rin ng mga awtoridad.

Base sa ulat, ang mga mangingisda ay gumagamit ng dried coconut palm leaves (Haboy” o “Habong”) para ma-attract ang mga isda bago gamitin ang pinung-pinong lambat kung saan paglabag sa Philippine Fisheries Code of 1998.

Maging ang ipinalabas na ordinansa ng nasabing lungsod na ipinagbabawal sa malalaking fishing vessels na mangisda sa loob ng 10-kilometro mula sa dalampasigan ay nilabag din ng mga suspek, ayon kay Capt. Ricardo Tornea ng Phil. Navy.

Kinumpiska ng mga awtoridad ang fishing vessel at ang mga lalagyang may iba’t ibang uri ng isda.

Sa panig naman ng mga suspek, sinabi nila na simula pa noong 1988 ay ginagamit na nila ang ganitong estilo at ngayon lang sila nasakote. Freeman News Service

Show comments