Bahay niratrat: 1 patay, 2 malubha

CAMARINES NORTE, Philippines —  Nauwi sa pagluluksa ang masayang panonood ng telebisyon ng isang pamilya makaraang pagbabarilin ng tatlong hindi nakikilalang mga kalalakihan ang tahanan ng mga ito na kumitil sa buhay ng padre de pamilya habang dalawa pa ang malubha sa Maligaya St. Sabang, Calabanga, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.

 Kinilala ang nasawing biktima na si Reyner Bristol, 23- anyos; nagtamo  ng mga tama ng bala ng cal. 45 pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Si Reyner ay idineklarang dead on arrival sa Bicol Medical Center habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa nasabing pagamutan ang anak nitong si Reymart, 7-anyos at kamag-anak na si Hendrecel Becta.

Sa ulat ng Camarines Sur Police, dakong alas-8:45 ng gabi habang nanonood ng telebisyon ang mga biktima sa tahanan nina Bristol sa Maligaya St., Brgy. Sabang, Calabanga.

Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang walang pasin­tabing pinasok ng mga salarin na  nakasuot ng camouflage uniform at naka-bonet ang tahanan ng mga ito na hinahanap ang baril  kay Reyner at saka pinagbabaril ang mga ito.

Narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol at patuloy rin ang im­­bes­tigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng krimen.

 

Show comments