21-katao minasaker ng Sayyaf
MANILA, Philippines - Umaabot sa dalawamput-isa katao na lulan ng dalawang Tamaraw jeepney ang napatay makaraang tambangan ng mga bandidong Abu Sayyaf Group sa kahabaan ng highway ng Sitio Jatih sa bayan ng Talipao, Sulu kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat, sinabi ni Brig. Gen. Martin Pinto, commander ng 2nd Marine Brigade, naganap ang pananambang sa liblib na bahagi ng highway ng Barangay Lower Talipao dakong alas-3:30 ng madaling araw kung saan sinasabing patungo ang mga biktima sa kalapit bayan para dumalo sa selebrasyon ng Eidl Fitr.
Ayon kay Pinto, puntirya ng mga bandido ang mga miyembro ng Barangay Police Action Team na sinasabing sangkot sa rido na may kaanak na miyembro ng Abu Sayyaf.
Kaagad namang rumesponde ang pangkat ng militar at narekober sa ambush site ang sampung bangkay ng babae at anim na lalaki habang tatlo ang namatay sa Sulu Integrated Provincial Health Office.
Kinilala ang mga napatay na sina Padzma Hasan, Misyaar Hassan,14; Maida Hasan, 35; Jirmalyn Hasan,14; Dadah Palahuddin, 85; Mura Ahadan, 60; Jainab Ajid, 50; Milina Ahadan,15; Miriam Binhur,19; Nurfaisa Gappar,14; Dayang Ahadan,19; Tatga Isahac, 40; Risalyn Isahac, 7; Saik Ajid, 45; Said Palahuddin, 35; Abdul Julhari,83; Baris Julhari,19; Abdukahal Ahadan,19; at si Abdulharim Isahac Omar.
Kabilang sa mga sugatang naisugod sa nasabing ospital ay sina Sabur Saik, 21; Rohana Tamrin, 9; Termejie Tamrimo, 3; Ahmad Patani, 14; Alnijar Isahac,18; Ibnorahja Bakkang, 60; Almajir Jumdana, 45; Ahadin Tamrin, 30; Titong Timar,14; Rosalyn Palahuddin, 27; Maldiya Palahuddin, 24; Radjal Tambuyong, 30; Tambrin Ahadin, 45; at si Ruhaidi Saik; 35.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang militar sa mga opisyal ng barangay at lokal na pamahalaan para asistihan ang pamilya ng mga biktima.
Nagsasagawa na ng hot pursuit operations ang mga awtoridad laban sa grupo ni Abu Sayyaf sub-leader Indan Susukan na responsable sa pananambang.
- Latest