QUEZON, Philippines- Pinaniniwalaang awayan sa paniningil sa pamasahe ang isa sa motibo kaya pinagbabaril hanggang sa mamatay ang 45-anyos na trike driver ng kanyang pasahero sa Sitio Pontor, Barangay Bignay 2 sa bayan ng Sariaya, Quezon kamakalawa ng gabi. Apat na tama ng bala ng cal. 45 pistol sa ulo at katawan ang tumapos sa buhay ni Crescencio Saliva, may-asawa at residente ng Brgy. Mamala 1. Sa imbestigasyon ng pulisya, nakahimpil sa terminal ng mga trike ang biktima nang arkilahin ang kanyang traysikel ng di-kilalang lalaki patungo sa Barangay Bignay 2. Habang bumabagtas ang traysikel ng biktima ay umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril kung saan biglang napahinto ang trike at duguang bumulagta ang driver nito. Pinaniniwalaang nagtalo ang pasahero at biktima kaugnay sa pamasahe habang bumabagtas sa nasabing lugar kaya isinagawa ang pamamaslang. Inalis na ng pulisya ang anggulong holdap dahil ang mga pera at cell phone ng biktima ay hindi ginalaw.