MANILA, Philippines - Apat na minero ang nasawi matapos ang malakas na pagsabog sa tunnel ng isang minahan ng ginto sa bayan ng Maragusan, Compostela Valley kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Emmanuel Casanova, Nestor Aque, Rocky Bayer at Jhony Caylan. Isa sa mga biktima ay dead-on-arrival sa Davao Regional Hospital habang tatlo naman ang binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Ayon kay Chief Inspector Jed Clamor, spokesman ng Police Regional Office (PRO) 11, naganap ang insidente sa tunnel ng isang small scale mining sa Brgy. Pamintaran ng nasabing bayan dakong alas-7:30 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang abala sa paghuhukay sa minahan ang naturang mga minero nang sumabog ang dinamita sa loob ng tunnel.
Bunga nito ay nahilo ang mga biktima matapos na makalanghap ng nakalalasong kemikal na kumalat sa minahan sanhi ng pagsabog.
Ang nasabing minahan ay may 10 kilometro ang layo mula sa kabayanan ng Maragusan kung saan agad nagresponde sa lugar ang search and rescue team.
Naiahon naman sa tunnel ang apat na minero pero nabigo ng maisalba ang mga ito sa pagamutan.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.