MANILA, Philippines - Pinalaya na ng bandidong grupong Abu Sayyaf ang nalalabing Department of Social Work and Development (DSWD) worker na bihag nila nitong kamakalawa ng gabi sa lalawigan ng Sulu.
Nakilala ang social worker na si Robert Saputalo na pinalaya sa Barangay Danag sa bayan ng Patikul bandang alas-10 ng gabi matapos ang anim na araw na pagkakadakip.
Ayon kay Sulu provincial police director Senior Superintendent Abrham Orbita ang mga awtoridad ang tumanggap sa biktima sa Barangay Kagay, Talipao.
Nauna nang pinalaya ang mga kasamahan ni Saputalo na sina Lerna Jura at ang mag asawang Antonio at Nurhani Sicangco.
Dinakip ang mga social workers nitong nakaraang linggo habang nagsasagawa ng survey para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno.
Sinabi ni Orbita na wala namang impormasyon kung may nagbayad ba ng ransom kapalit ng kalayaan ng mga social workers.