BULACAN , Philippines – Magkasabay na sinalubong ni kamatayan ang mag-ama makaraang pagbabarilin ng mga armadong lalaki sa madilim na bahagi ng Bernardo Street sa Barangay Bongga Menor sa bayan ng Bustos, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Napuruhan ang mag-amang Alex Villanueva, 60; at Jervy Villanueva, 24, kapwa nakatira sa Bulacan Heights Subdivision, Barangay Catacte sa nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon ni PO2 Jim Glenn Cruz, papauwi na ang mag-amang magkaangkas sa motorsiklo nang harangin at pagbabarilin ng dalawang di-kilalang lalaki pagsapit sa nabanggit na lugar bandang alas-9:30 ng gabi. Narekober sa crime scene ang pitong basyo ng bala ng cal. 9 mm pistol habang patuloy naman ang Imbestigasyon.