QUEZON, Philippines - - Hindi na nagising sa mahimbing na pagtulog ang 48-anyos na ina at kanyang dalawang anak matapos mabagsakan ng pader ang kanilang bahay sa Barangay Market View, Lucena City, Quezon sa pananalasa ng bagyong Glenda kahapon ng madaling araw.
Nahirapan pa ang mga rescue team bago naialis sa matinding pagkakaipit ang nanay na si Nenita Artifico, at mga anak na sina Arlene Artifico, at Adrian Artifico, 8.
Sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), magkakasamang natutulog ang mag-iina sa kanilang bahay na gawa sa mga light materials nang bumuhos ang malakas na ulan dulot ng bagyong Glenda.
Pinaniniwalaang lumambot ang lupang kinatitirikan ng pader kaya bumagsak sa bahay ng mag-iina na nasa likurang bahagi.
Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay balot ng kadiliman ang lalawigan ng Quezon at sinasabing aabutin ng ilang araw bago bumalik sa normal ang operasyon ng kuryente dahil sa natumba ang pitong tower ng National Grid Corporation.
Tinatayang aabot sa 120,000 pamilya sa Quezon na mga naninirahan sa mga coastal areas ang naapektuhan ng bagyo.