MANILA, Philippines - Magkasunod na sinalubong ni kamatayan ang isang mag-ina makaraang tamaan ng kidlat sa gitna ng malakas na pagkulog sa Sitio Amaralina, Barangay Pantalan sa bayan ng Nasugbu, Batangas kamakalawa ng hapon. Kinilala ang mga biktima na sina Mercedez Baral- Grumal, 45; at Anthony Grumal, 18, kapwa nakatira sa nasabing barangay. Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Marlowe Torina, hepe ng Nasugbu PNP, namatay agad sa insidente si Anthony na halos masunog ang katawan habang naisugod naman sa Jabez Medical Center subalit idineklarang patay si Mercedez. Lumilitaw na papauwing naglalakad ang mag-ina sa kasagsagan ng malakas na pagkulog na sinundan ng malakas na kidlat na sa kamalasan ay tumama sa mga biktima.