MANILA, Philippines - Patay ang isang taxi driver matapos na pagsasaksakin nang pumalag sa tatlong holdaper na nangholdap dito habang nasakote naman ang mga suspek sa followup operations kamakalawa sa EB Magalona, Negros Oriental.
Ayon kay Sr. Supt. Milko Lirazan, Director ng Negros Oriental Provincial Police Office, ang biktimang si Alejandro Jarina, 57 anyos ng Sagay City ay idineklarang dead on arrival sa Teresita Lopez Jalandoni Provincial Hospital sa Silay City sa tinamong dalawang malalim na saksak sa dibdib.
Bandang alas-2 ng madaling araw ng parahin ng mga suspek ang minamanehong taxi ni Jarina sa lungsod ng Silay at kinontrata ito patungong EB Magalona.
Gayunman, pagsapit sa tubuhan sa Hacienda Clarita, Brgy. San Jose, EB Magalona ay agad na tinutukan ng patalim ng mga suspek ang taxi driver sabay deklara ng holdap.
Nanlaban naman ang biktima na bagaman nagawang makalabas ng taxi at magsisigaw sa paghingi ng tulong ay ilang saglit pa ay duguan itong bumulagta sanhi ng dalawang malalim na saksak sa kaniyang dibdib.
Arestado naman ng mga awtoridad sa followup operations ang tatlong suspek na sina Romeo Toting Jr., isang obrero sa Hacienda Gaston sa bayan ng Manapla; Jose Salvador Maribuhok at Rommel Paabot; pawang mga trabahador naman sa Hacienda Teresa, Brgy. Alicante, EB Magalona.
Narekober naman sa crime scene ang mga tsinelas, bullcap, tshirt at iba pa na pag-aari ng mga suspek na siyang nagsilbing susi sa krimen.