CAVITE, Philippines - – Isang menor-de-edad na detainee ang umano’y dalawang beses na inilabas sa kulungan ng nakatalagang jail guard sa detention cell ng Silang Municipal Police Station at dinala sa motel at doon hinalay kasabay nang pangakuang palalayin noong buwan ng Mayo sa Cavite.
Ayon sa ipinadalang impormasyon, ang biktima na itinago sa pangalang Christine ay dinakip umano makaraang makuhanan ng drug paraphernalias noong nakaraang Abril at idinitene sa nasabing himpilan.
Ayon kay Supt. Gil Torralba, hepe ng pulisya, kinilala ang suspek na si PO1 Randy Mandolado Macariza, 33, na nakatalaga bilang jail guard sa himpilan ng pulisya sa nasabing lugar.
Sa ginawang imbestigasyon ni PO2 Cyril Blancaflor Reyes, Womens Desk ng Silang MPS, naganap ang naturang panghahalay sa biktima noong ikalawang linggo ng buwan ng Mayo, matapos umanong pangakuan ang biktima ng suspek na tutulungang makalaya kapalit ng pakikipagtalik.
Dahil sa kagustuhan ng biktima na makalaya ay pumayag ito kung kaya sumama ito sa Travellers Inn, By Pass Road hindi kalayuan sa naturang istasyon. Naulit ito sa ikalawang pagkakataon dalawang araw lamang ang pagitan ng buwan ding iyon.
Nabatid na napilitan nang magsumbong ang biktima sa tiyahin makaraang hindi tuparin ang pangakong pagpapalaya sa kanya kasabay pa ang bantang pagpatay sa kanya kapag may nakaalam sa ginawa sa kanya ng suspect.
Dahil dito kaagad na isinailalim sa imbestigasyon ang kaso at kinuhanan ng sinumpaang salaysay ang biktima kaugnay na isinumite agad sa Cavite Provincial Fiscal Office sa ilalim ni Larry Escabero, noong July 4, 2014, Imus City, Cavite.
Inirereklamo rin ng tiyahin ng biktima si P/Chief Insp Torralba dahil sa pagpapakulong sa biktima sa kasong kinahaharap nito, gayong ito ay isang menor-de-edad na dapat ay nasa kustodiya ng DSWD.