Magkaibigan, itinumba habang nag-iinuman
LEGAZPI CITY, ALBAY, Philippines - – Dead-on-arrival sa pagamutan ang matalik na magkaibigan, matapos na ito ay pagbabarilin ng hindi nakikilalang suspek habang ang dalawa ay masayang nag-iinuman kamakalawa ng gabi sa Purok 7, Brgy. Masarawag, Guinobatan, Albay.
Nakilala ang mga biktima na hindi na umabot pa ng buhay sa Josefina Belmonte Duran Memorial District Hospital na sina Romeo Opiada, at Dante Ocbina, kapwa residente ng naturang lugar.
Batay sa ulat na nakarating kay Senior Supt. Marlo Meneses, Provincial Director na ang pamamaslang ay naganap dakong alas-7:25 ng gabi habang ang magkaibigan ay masayang magkaharap na nag-iinuman nang dumating ang hindi nakikilalang suspek at walang sabi-sabing pagbabarilin nito si Romeo. Tinangka naman na isa pang biktima na awatin ang suspect gayunman, maging siya ay pinagbabaril din nito.
Nauna rito, ang biktimang si Romeo ay nagtungo sa isang tindahan sa kanilang barangay para bumili ng sigarilyo at naglakad pabalik sa kanilang bahay.
Nabatid na nakasalubong ng biktima ang hindi nakilalang suspek na kung saan ang dalawa ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa umalis ang biktima at bumalik sa kanyang bahay upang ipagpatuloy ang pakikipag-inuman sa kanyang kaibigan na doon nga dumating ang suspek at pinagbabaril ang biktima kung saan nadamay pa nga ang kaibigan nito.
- Latest