MANILA, Philippines - Apat na pulis at isang sundalo ang nasugatan nang makasagupa ng pinagsanib na puwersa ng gobyerno ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa kabundukan ng Talomo sa Toril District, Davao City kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang mga sugatang pulis kabilang ang dalawang opisyal na sina Inspector Ruel Manga, Inspector Vernido Villamor, PO1 Jan Reins Fermin at isa pa ng mga itong kasamahan gayundin ang isang sundalo na hindi nabanggit ang pagkakakilanlan.
Ayon sa report ng Armed Forces of the Philippines, nakasagupa ng pinagsanib na mga operatiba ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police at ng 84th Infantry Battalion (IB) ang nasa 30 rebelde sa Talomo Mountain sa bahagi ng Brgy. Baracatan at Brgy. Catigan; pawang sa Toril District ng lungsod dakong alas-1:40 ng hapon kung saan nagsasagawa ng combat operations ang mga ito sa nasabing lugar.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang mga biktima habang pinaniniwalaan naman na marami rin ang malubhang nasugatan sa mga rebeldeng suspects.
Nagpapatuloy naman ang operasyon ng tropa ng pamahalaan laban sa grupo ng mga rebeldeng komunista.