NORTH COTABATO , Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa dalawang ministro ng Iglesia Ni Cristo (INC) habang dalawa pa nitong kasamahan ang malubhang nasugatan makaraang mahulog ang kanilang sasakyan sa may 35-metrong lalim na bangin sa bayan ng Ladia, Sultan Kudarat, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Inspector Ismael Madin, hepe ng Sultan Kudarat PNP ang namatay na sina Freddie Itak, 40; at Ariel Rizaldo, 42, driver, habang naisugod naman sa Cotabato Regional and Medical Center ang mga sugatang sina Jay Tubio, 33; at Jun Bikog, mga ministro rin ng INC at pawang nakatira sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat.
Base sa police report, patungo sa bayan ng Pigcawayan, North Cotabato ang mga biktimang lulan ng berdeng sasakyan (LCV-332) mula Cotabato City nang mag-overtake ang driver nito na si Rizaldo sa sinusundang motorsiklo.
Dahil sa may kalumaan at lubak-lubak na highway ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver at biglang kumanan kung saan nagtuluy-tuloy na nahulog sa bangin.