BATANGAS, Philippines - – Sugatan ang isang lady councilor sa bayan ng Cuenca habang patay naman ang kapatid nito matapos tambangan ng dalawang di-kilalang lalaki na lulan ng motorsiklo sa Lipa City, Batangas kamakalawa ng hapon. Kinilala ang napatay na si Arvin Loria habang ginagamot naman sa Metro San Jose Hospital si Councilor Geraldine Loria Yu na tinamaan ng bala ng baril sa hita. Sa police report, nagpapagasolina ang magkapatid sa Barangay Banay-banay nang lapitan at ratratin ng riding-in-tandem gunmen bandang alas-5 ng hapon. Nabatid na kadadalo lamang ng magkapatid sa paglilitis ng korte kaugnay sa kasong illegal possession of firearms na isinampa laban kay Arvin ng Criminal Investigation and Detection Group-Batangas ng maganap ang insidente. Lumilitaw din nakatanggap ng mga pagbabanta sa buhay si Arvin kaya nagpasama ito sa kaniyang kapatid na konsehala sa pagdalo sa paglilitis ng korte.