3 arestado sa rice hoarding operation

Saku-sakong bigas na pag-aari ng National Food Authority ang nasamsam ng mga awtoridad sa pangunguna ni P/Chief Insp. Reynaldo Magdaluyo ng Team CIDG- Bulacan matapos salakayin ang bodega Jomarro Star Rice Mill sa MacArthur Highway sa Barangay Abangan Sur, bayan ng Marilao, Bulacan kahapon ng umaga. Kuha ni BOY CRUZ

BULACAN , Philippines  – Saku-sakong bigas na commercial at National Food Authority ang nasamsam habang tatlo-katao naman kabilang ang warehouse manager ang nasakote kaugnay sa kasong rice hoarding sa  isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa MacArthur Highway sa Barangay Abangan Sur, bayan ng Marilao, Bulacan kahapon ng umaga. 

Sa ulat ni P/Chief Supt. Benjamin Magalong, hepe ng PNP-CIDG, dakong alas -5 ng umaga nang salakayin ng mga operatiba ng PNP-CIDG ang bodega ng Jomarro Star Rice Mill sa nabanggit na barangay. 

Napag-alamang isinailalim sa masusing surveillance ang nasabing rice mill bago isinagawa ang raid makaraang makatanggap ng impormasyon ang Bulacan 3rd Regional Criminal Investigation and Detection Unit sa pamumuno ni P/Chief Inspector Reynaldo Magdaluyo na sangkot sa rice hoar­ding ang mag-asawang sina Roberto at Regina Pualengco na sinasabing nakatunog at tumakas bago pa salakayin ang nasa­bing bodega.

Arestado naman ang warehouse manager na sinasabing utol ni Regina Pualengco na si Juancho San Luis at ang dalawang tauhan na sina Ronie Esplana, 42; at Alyas Pipi Sarto habang nasamsam naman ang 1,168 sakong bigas mula sa loob ng bodega.

Nabatid na naaktuhan ng pulisya ang mga trabahador na pinaghahalo ang commercial at NFA rice kung saan  ibinabagsak naman sa mga palengke upang kumita ng malaki.

Sa pahayag naman ni P/Supt. Marcos Rivero, hepe ng Marilao PNP, ang isang sako ng NFA rice ay naibebenta lamang sa halagang P700 hanggang P800, at kapag nailipat sa sako ng commercial rice, ito ay ibinebenta sa halagang P2,000 hanggang P2,200 bawa’t sako.

Samantala, hinarang din ng mga operatiba ng pulisya ang dalawang 10-wheeler truck na naglalaman ng 1,000 NFA rice na sinasabing nakatakdang dalhin sa ilang palengke sa Metro Manila at karatig bayan.

 

Show comments