TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - - Arestado ang dalawang barangay chairmen kaugnay sa kasong bawal na droga at illegal logging sa Tabuk City at Ilocos Sur kamakalawa.
Pormal na kinasuhan ni P/Supt. Francisco Bulwayan Jr., hepe ng Tabuk City PNP ang suspek na si Chairman Wendel Gonayon, 44, ng Barangay Cudal.
Sa police report, naaktuhan ng pulisya ang illegal na pamumutol ng kahoy ni Gonayon sa kanyang nasasakupang barangay noong 2013.
Ayon kay Bulwayan, ang warrant of arrest laban kay Gonayon ay inisyu ni Judge Marcelino Wacas ng Tabuk City Regional Trial Court.
Samantala, nasakote naman ng pinagsanib na operatiba ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) si Chairman Noel Tolentino sa inilatag na buy-bust operation sa Barangay San Julian, bayan ng Masingal, Ilocos Sur kamakalawa.?
Nasamsam kay Tolentino ang walong heat-sealed plastic sachet ng shabu, mga drug paraphernalia, weighing scales, android tablet at cellphone na pinaniniwalaang ginagamit nito sa kanyang transaksiyon sa pagtutulak.