LAMUT, Ifugao , Philippines – Mahigpit na ipinagbabawal ngayon ang pagsuot ng crash helmet sa mga motorista lalo na sa mga nakamotorsiklo bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa riding-in-tandem gunmen na pangunahing salot sa nasabing bayan.
Ayon kay Mayor Atty. Mariano Buyagawan Jr., ang pagsusuot ng helmet ay mahigpit na ipinagbabawal matapos aprobahan ng konsehal ang ipinalabas na Executive Order #18 series of 2014 ng local na pamahalaan upang makilala ang mga nakamotorsiklong pumapasok at lumalabas sa nasabing bayan.
Ito ay matapos ang magkakasunod na patayan sa katabing bayan ng Bagabag sa Nueva Vizcaya kung saan ang mga biktima ay mga Ifugao na niratrat ng riding-in-tandem na naka helmet.
“The ‘no helmet’ policy in our town may prevent riding-in-tandem suspects in terrorizing our citizens, if they are not wearing helmets, people can easily identify riding-in-tandem after or even before committing a crime,” pahayag ni Buyagawan.
Sa tala ng pulisya, umabot na sa 7-katao kabilang ang isang pastor at dating konsehal ng barangay ang naging biktima ng pamamaril ng mga armadong lalaki na lulan ng motorsiklong naka-helmet.
Gayon pa man, mahigpit ang tagubilin ni Mayor Buyagawan sa pulisya na siguraduhing walang suot na helmet ang sinumang nakamotorsiklo na papasok at lalabas ng Ifugao.
Samantala, agad naman na bumuo si Nueva Vizcaya PNP director P/Senior Supt. John Luglug ng special task force para tugisin ang gunmen sa serye ng pagpatay.
Maging si Bayombong Bishop Ramon Villena ay nanawagan din para kondenahin ang naganap na patayan kasabay ng panawagan sa mga residente na huwag matakot dahil walang katotohanan ang mga ipinapakalat sa mga text messages kaugnay sa hidwaan sa pagitan ng mga Ifugao at Ilocanos