Amok: Parak patay, 3 sugatan

MANILA, Philippines - Patay ang isang pulis habang tatlo pa ang nasugatan nang magwala ang isang lalaki sa  Zamboanga del Sur  alas -6:30 kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Zamboanga Del Sur Medical Center­  sa  Pagadian City si   PO1 Ryan Ponce.

Kinilala naman ang mga nasugatan na sina Leopoldo Ponce at Ruby Cantarona at security guard na si  Roland Superable Emaya. Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operation ng pulisya sa suspek na nakilalang isang Honey Alibasa ng Sitio Caliemabato, Barangay Poblacion, Margosatubig, Zamboanga del Sur.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ang suspek ay nagtungo sa Margosatubig Regional Hospital at walang anu-anong kinuha ang baril ng naturang security guard saka ito binaril.

Makaraan ang insidente, tumakbo ang suspek na dala ang baril ng sekyu  at saka tinungo ang bahay ni  PO1 Ponce na kanya ring binaril. Binaril din ng suspek ang tatay  ng pulis  at kaibigan nito na nooy nakikipag-usap sa nasawi  nang maganap ang krimen.

Ang mga biktima ay nagtamo ng tama sa iba’t ibang sugat sa katawan at dinala sa naturang pagamutan pero si Ponce ay hindi na naisalba ang buhay.

Sinasabing ang paghihiganti ang ugat ng krimen dahilan sa ang ama umano ng  suspek ay pinaslang ng pulis na miyembro ng Margosatubig Police Station.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang kasong ito.

Show comments