Cavite, Philippines — Pinaniniwalaang pinahirapan muna bago tuluyang pinatay ang isang lalake at isang babae na natagpuan sa creek ng palayan sa General Trias sa Cavite, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat ng pulisya, pasado alas-6 ng gabi, nagpapakain ng mga alagang baka ang magsasakang si Joselito Ambata nang makaamoy ng mabaho kaya hinanap niya ang pinanggalingan nito kung saan tumambad sa kanya ang mga bangkay sa creek na natatakpan ng madamong bahagi ng farm sa Brgy. Buenavista 1.
Kapwa may busal ang mga bibig ng mga biktima at nababalutan ng packaging tape ang mukha bago tinakluban ng t-shirt. Nakagapos din ng tape ang mga kamay at paa ng mga ito habang kapwa may mga sugat at pasa sa katawan at may marka ng sakal sa leeg.
Bukod dito, binaunan pa ng tatlong pako sa ulo ang lalaking biktima.
Ang lalaking biktima ay tinatayang nasa 35-45 ang edad, may taas na 5’9”, nakasuot ng pulang t-shirt at maroon khaki short, habang ang babae naman ay nasa edad 30-40, nasa 5’5” ang taas, nakasuot ng puting stripe blouse at navy blue na leggings.
Patuloy pa ang proseso ng imbestigasyon sa lugar kung saan natagpuan ang dalawa pero malaki ang hinala ng pulisya na sa ibang lugar pinatay ang mga ito bago tinapon sa nasabing bayan upang iligaw ang imbestigasyon ng awtoridad.
Samantala, isa pang bangkay ng hindi pa rin nakikilalang lalaki na nakabalot sa banig ang natagpuang palutang-lutang sa ilog sa Dasmariñas City sa Cavite kahapon.
Bandang alas-6:30 ng umaga nang madiskubre ng mga residente ang bangkay sa ilog sa Sanitary Compound, Brgy Sta Lucia.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakagapos ang mga kamay ng biktima habang ang ulo ay nababalutan ng packaging tape. May nakita ring malalim na sugat sa dibdib ang biktima na pinaniniwalaang naging dahilan ng kamatayan nito.
Tinatayang nasa 30-38 ang edad ng biktima, nasa 5’5” ang taas, may tattoo sa kanang braso na “CELS MONA D. LES” at nakasuot ng itim na t-shirt at puting short pants.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pagkakakilanlan ng biktima upang matukoy ang posibleng motibo at suspek sa krimen.