TUGUEGARAO CITY, Philippines - Isa pang lola ang nasawi kamakalawa na ikaapat na biktima ng kidlat sa loob lamang ng isang linggo sa panibagong insidente sa Brgy. Cabaroan, San Juan, La Union.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Rosita Cortez na sinasabing nagtatabas ng damo gamit ang itak sa kanyang bakuran nang bumuhos ang malakas na ulan at tamaan ito ng kidlat. 
Idineklara ng dead on arrival sa Bacnotan District Hospital ang matanda.
Naunang nasawi sa tama ng kidlat noong Miyerkules sina Edmundo Laroya 23 ng Brgy. Ibaan Norte, Rosario, La Union at Bonifacio Fabro Jr. 23 ng Brgy. Lantag, Sta. Cruz, Ilocos Sur habang naglilinis sila sa kani-kanilang mga bukirin. 
Nasa kritikal namang kondisyon ang utol ni Fabros na si Ramsey, 26 at pinsan na si Carlo Magno, 24 na nakaratay sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) sa San Fernando City, La Union. 
Nauna rin natusta si Eric Marquez na tinamaan rin ng kidlat sa Brgy. Pantar Norte, Balaoan, La Union.