MAGUINDANAO, Philippines – Napaslang ang dalawang miyembro ng rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter habang apat naman ang nasakote matapos makasagupa ang tropa ng 45th Infantry Batallion sa liblib na bahagi ng Barangay Libutan sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao kahapon ng umaga. Ayon sa tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Phil. Army na si Colonel Dickson Hermoso, nagsimula ang sagupaan bandang alas-5:50 ng umaga kung saan nagpapatuloy hanggang sa sinusulat ang balitang ito. Napag-alamang tatlo sa apat na rebeldeng nasakote ng militar ay pawang kababaihan kung saan nasamsam ang ilang malalakas na kalibre ng baril, mga bala, bomba at isang van na sinasabing kinarnap. Nagpapatuloy naman ang clearing at pursuit operation ng militar na pinangungunahan ni Col. Donald Hongitan ng 45th Infantry Battalion.