BULACAN , Philippines – Dalawa-katao ang napatay makaraang sumiklab ang barilan sa loob ng sabungan sa Barangay Anyatam, bayan ng San Ildefonso, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang dalawa na sina Marsolito Reyes, 42, dating pulis na nakatalaga sa San Miguel PNP at nakatira sa Barangay Salangan; at Miguelito Dela Cruz, 38, tagapag-alaga ng manok na pag-aari ni Chairman Gener Lopez ng Barangay Labne sa bayan ng San Miguel.
Sa ulat ni P/Supt. Angel Garcillano na isinumite kay P/Senior Supt. Ferdinand Divina, pinagbabaril hanggang sa mapatay ni Dela Cruz si Reyes matapos magsalubong sa labas ng Anyatam Cockpit Arena.
Nagkataon namang nasa labas ng sabungan ang naka-off-duty na si SPO2 Willy Apostol ng Pasig City PNP kaya agad na rumesponde matapos makarinig ng putok ng baril.
Sinubukang arestuhin ni SPO2 Apostol ang gunman na si Dela Cruz subalit maging siya ay pinutukan na nauwi sa shootout.
Narekober sa crime scene ang cal. 45 pistol, belt bag na naglalaman ng 4 plastic sachets ng shabu na pag-aari ni Reyes at isa pang cal.45 pistol na pag-aari naman ni Dela Cruz habang inirekomenda naman ni P/Senior Supt. Divina na gawaran ng on-the-spot promotion si SPO2 Apostol dahil sa maaga nitong pagresolba sa naganap na krimen.