Brodkaster tinodas ng tandem

MANILA, Philippines - Apat na araw bago ang pagdiriwang ng ika-116 Araw ng Kasarinlan, isa na namang brodkaster ang nadag­dag sa talaan ng mga napaslang makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem assassins sa Calapan City, Oriental Mindoro kahapon ng tanghali.

Sa phone interview, sinabi ni P/Supt. Glicerio Cansilao, hepe ng Calapan City PNP,  kinilala ang biktima na si  Nilo Baculo, 67, dating blocktimer na brodkaster sa nagsaradong radio station na dwIM Radyo Mindoro.

Bandang alas-12:35 ng tanghali ng maganap ang pamamaslang sa biktima  malapit sa tahanan nito sa Barangay Lalud sa nasabing lungsod habang pauwi na ito lulan ng motorsiklo.

Ayon kay Cansilao, nakasalubong ng biktimang papauwi na sana ang riding-in-tandem gunmen saka pinagbabaril ito kung saan dalawang bala ang sumapul sa kaniyang katawan.

Nagawa pang maisugod sa Maria Estrella Hospital ang biktima pero idineklara na itong patay.

Hindi pa mabatid kung anong uri ng armas ang ginamit sa pamamaslang sa biktima dahil masukal sa nasa­bing lugar at walang narekober na basyo ng bala ng baril ang mga tauhan ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) sa crime scene.

Ilang testigo na rin ang kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa pulisya para sa ika­reresolba ng pamamaslang sa biktima.

Ayon sa mga kasamahang media ni Baculo ay hard hitting na broadcaster at maraming natatanggap na death threat bago naganap ang pagpaslang

Base sa rekord ng Natio­nal Press Club (NPC), si Bacolo ay ika-29 na mediamen na ang napapatay sa ilalim ng administrasyong Aquino.

 

Show comments