2 grupo nagsagupa: 3 utas, 2 pulis sugatan

NORTH COTABATO , Philippines   - Tatlo ang napatay habang dalawang pulis naman ang nasugatan matapos magsagupa ang dalawang armadong grupo sa Sitio Nazareth, Barangay Amas, Kidapawan City, North Cotabato kahapon.

Kinilala ni P/Senior Supt. Danilo Peralta, North Cotabato provincial PNP director ang mga napatay na sina Aurelio Calugmatan, 36; Ramboy Balimba, 17, kapwa residente ng Sitio Nazareth; at ang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team na si Bonie Vicente.

Samantala, sugatan naman ang mga rumespondeng pulis na sina P/Insp. Randy Apostol at SPO1 Edwin Maguate.

Sa ulat ng pulisya, sina­lakay ng mga armadong grupo mula sa Barangay Patadon ang mga settlers ng Sitio Nazareth kaya sumiklab ang bakbakan.

Nang mamagitan ang mga pulis sa nasabing engkuwentro ay pinaputukan ang mga ito ng pangkat mula sa Barangay Patadon kaya napatay si Vicente at nasugatan ang dalawang pulis.

Gayon pa man, sa tulong ni MILF Local Monito­ring Team Jabib Guiabar ay napahupa ang sagupaan kung saan binuo ni Cotabato Gov. Emmylou “Lala” Taliño Mendoza ang crisis committee na tutugon sa nasabing girian.

Away-lupa na pag-aari ng Central Mindanao Integrated Agricultural Research Center ng Department of Agriculture ang sinasabing ugat ng kaguluhan na matagal ng inaangkin ng magkalabang grupo.

 

Show comments