Lider ng NPA rebels timbog sa Negros

MANILA, Philippines - Bumagsak sa pinagsanib na elemento ng pulisya at tropa ng militar ang isang mataas na lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos itong maharang sa checkpoint  sa Tanjay City, Negros  Oriental nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Major Ray Tiongson, Spokesman ng Army’s 3rd Infantry Division (ID) ang nasakoteng suspek na si alyas Ka Pediong/ Nasyo, Secretary ng Southeast Front Komiteng Negros ng NPA.

Bandang alas-7:50 ng gabi ng masakote ng mga elemento ng Tanjay City Police at Army’s 302nd Infantry Brigade si Ka Pediong sa  inilatag na checkpoint sa Brgy. Tugas ng lungsod.

Ayon kay Tiongson si Ka Pediong ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) 7th Judicial Region Branch 41 sa Dumaguete  City sa kasong murder. Nasamsam mula kay Ka Pediong ang isang hand grenade, isang ATM card at sari-saring mga ID’s.

Inihayag naman ni Army’s 3rd ID Commander Major Gen. Aurelio Baladad na isang malaking dagok sa kilusan ng NPA sa Negros Oriental ang pagkakaaresto kay Ka Pediong.  Kasalukuyan ng humihimas ng rehas na bakal ang nasabing opisyal ng mga rebelde.

 

Show comments