TUGUEGARAO CITY , Philippines -- Napisak ang katawan ng isang 44 anyos na konsehal ng Barangay matapos itong aksidenteng masagasaan ng isang rumaragasang malaking trailer truck sa Barangay Dilag, Tabuk city, Kalinga kamakalawa. 
Kinilala ni Chief Insp. Bobby Glen Ganipac, hepe ng pulisya ng lungsod ang nasawi na si Kagawad Alfredo Tumbali Jr. ng nasabing lugar. 
Lumalabas sa imbestigasyon na hinihila ng truck na minamaneho ni Christopher Abing, 35 ang trailer na may lulang ‘kubota farm reaper’ na inarkila ng biktima sa pag-aani ng palay sa kanyang bukirin dakong alas-5 ng hapon. 
Nabatid na nawalan ng balanse at nahulog ang kagawad na sumabit sa likuran ng truck na humantong sa trahedya.