MANILA, Philippines – Naiwanang nakasinding kandila ang dahilan ng pagkasunog ng nasa 100 kabahayan sa Zamboanga City kagabi.
Sinabi ni City Fire Marshal Superintendent Dominador Zabala na wala namang nasaktan sa insidente ngunit nasa 500 residente ng Kampung Islam ang nawalan ng tirahan.
Nagsimul ang sunog bandang alas-7 ng gabi sa bahay ng isang Hadja Salip.
Nagsindi ng kandila si Salip dahil sa nararanasang brownout sa lugar.
Tumagal ng apat na oras ang sunog na umabot ng ikatlong alarma bago naapula ng mga bumbero.
Tinatayang aabot sa P3 milyon ang halaga ng pinsala.
Kasalukuyang nanunuluyan sa pampublikong paaralan ang mga naapektuhang residente.