MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang alitan sa computer games kaya pinagbabaril at napatay ang 21-anyos na estudyanteng Tsinoy ng Mindanao State University ng kanyang natalo sa larong DotA sa labas ng campus sa Marawi City, Lanao del Sur kamakalawa ng gabi.
Idineklarang patay sa Amai Pakpak Medical Center sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo ang biktimang si Samuel Go III, tubong Surigao at estudyante ng BS Agricultural Engineering sa MSU.
Sa ulat ng Marawi City PNP na isinumite sa Camp Crame, bandang alas- 7:25 ng gabi ng maganap ang krimen habang ang biktima kasama ang dalawa pang babaeng estudyante ay papasok sa Hamida Store sa commercial center upang bumili ng pagkain.
Sa testimonya ng may-ari ng tindahan, isang kabatang lalaki ang agad na pinuntirya ng pamamaril si Go na nasapul ng tama ng bala sa kaniyang ulo.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na bago ang insidente ay nakita pa ang biktima na pumasok sa All Star Internet Café sa commercial center at naglaro ng DotA.
Ang Defense of the Ancients (DotA) ay orihinal na Warcraft III: Reign of Chaos at sinasabing nakapagpapabago ng kaisipan ng isang manlalaro kapag natatalo.
Pinaniniwalaang napahiya ang suspek sa mga kaklase matapos na talunin ng biktima sa video game na DotA.