NORTH COTABATO , Philippines – Apat-katao ang namatay habang pito namang barangay ang lumubog sa tubig-baha sa patuloy buhos ng ulan sa magkakahiwalay na bayan sa lalawigan ng North Cotabato kamakalawa.
Sa ulat ni Provincial Disaster Risk Reduction Officer Cynthia Ortega, unang nilaÂmon ng tubig-baha ang mag-utol na batang sina Shelron Jave Brania, 5; at Roneil Jeff Brania matapos matagpuan sa drainage malapit lamang sa kanilang bahay sa Barangay Tibao, bayan ng M’lang.
Nabatid na nagpaalam ang mag-utol sa kanilang nanay na si Shiela na makikinood ng telebisyon sa kapitbahay pero hindi na nakabalik noong Miyerkules.
Pinaniniwalaang unang nahulog sa man-made canal ang bunso nitong si Shelron kung saan tinulungan ito ng kanyang kuya na si Ronel pero sa halip na mailigtas ang nakababatang kapatid ay nahulog din ito.
Samantala, nilamon din ng tubig-baha ang 53-anyos na si Wilson Abensay habang tumatawid sa ilog sa bayan ng Makilala, North Cotabato
Naitala naman ang isa pang patay sa bayan ng President Roxas na natagpuan namang lumulutang sa Kabacan River ang hindi pa kilalang lalaki.
Sa hiwalay namang ulat ni Kabacan Municipal Social Welfare and Officer Susan Macalipat, aabot sa 3,831 pamilya mula sa pitong barangay sa bayan ng Kabacan ang apektado ng tubig-baha dahil sa patuloy na buhos ng ulan.
Kabilang sa apektado ay ang mga Barangay Dagupan, Cuyapon, Upper Paatan, Karidtuan, Poblacion, Lower Paatan, at ang Barangay Aringay.