MANILA, Philippines - Nasilat ng mga operatiba ng pulisya ang panghoholdap sa BHF Pawnshop and Gemline matapos na makipagbarilan ang apat na holdaper kung saan napatay ang isa sa mga kawatan sa kahabaan ng A.B. Fernandez Avenue sa Dagupan City, Pangasinan kahapon ng tanghali.
Sa ulat ni P/Supt. Christopher Abrahano, hepe ng Dagupan City PNP, pinasok ng apat na armadong holdaper ang nasabing pawshop kung saan nagpanggap umanong kustomer saka nagdeklara ng holdap.
Agad na pinadapa ang mga kawani ng pawnshop maliban sa kahera na inuutusang ilagay ang pera at mga alahas sa bag.
Nasilip naman ng guwardiya na nasa labas ng pawnshop ang insidente kaya agad na humingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang pulis.
Sa halip na sumuko ay nakipagbarilan pa ang mga holÂdaper sa mga pulis at ilang guwardiya na rumesponde kung saan isa sa mga holdaper ang bumulagta na inabandona ng mga nagsitakas na kasamahan.
Kasalukuyan pang inaÂalam ang pagkakakilanlan ng napatay na nakasuot ng kulay asul na t-shirt at naka-short.
Sa tala ng pulisya, ang nabanggit na pawnshop ay hinoldap na rin ng mga miyembro ng Martilyo gang noong 2012.