LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - - Dalawang miyembro ng Cafgu ang namatay habang 14 naman ang malubhang nasugatan makaraang sumabog ang balang granada ng M203 grenade launcher sa military detachment ng Phil. Army sa Barangay San Juan, bayan ng Mandaon, Masbate kahapon ng umaga.
Hindi na umabot pa ng buhay sa Masbate Provincial Hospital ang mga biktimang sina Roberto Mesa at Quiken Reoyan habang sugatan naman ang detachment commander na si S/Sgt. Roger Habetacion, at mga Cafgu na sina Ruel Seachon, Alvin Mesa, Danilo Dizon, Jerome Relox, Antonio Cabarles, Alvin Zapra, Romy Arriola, Deje Cabarles, Francis Alava, Ramil Adobas, Ronilo Recto, John Zapra, at ang sibilyang si Sammy Reoyan, 6, mga nakatira sa nasabing barangay.
Base sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na nililinis ng si Romy Arriola ng kaniyang M203 grenade launcher rifle nang aksidente nitong makalabit ang gatilyo kung saan pumutok at sumabog ang nakakargang granada.
Sa lakas ng pagsabog ay tinamaan ang iba pang Cafgu na dumalo sa pagpupulong ni S/Sgt. Habetacion sa Kasanggayahan Hall ng military detachment ng 22nd Infantry Battalion ng Phil. Army.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Brig. Gen. Joselita Kakilala ang masusing imbestigasyon upang alamin kung may naging pagkukulang sa Standard Operating Procedure sa mga ganitong uri ng armas, bala at iba pa upang maiwasan na maulit pa ang sakuna.