MANILA, Philippines — Nagbabala si Phivolcs chief Renato Solidum Jr. na maaaring tamaan ng Intensity 8 na lindol ang Northern Luzon at ilang bahagi ng Cordillera region.
Inihayag ni Solidum sa isang pulong kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Tuguegarao City na dapat maging handa sa pinakamatinding kalamidad kagaya ng isang napakalakas na lindol.
Aniya, ang mga probinsyang maaaring tamaan ng Intensity 8 na lindol ay ang Cagayan, Quirino, Isabela, Nueva Vizcaya, Kalinga at Apayao.
"Earthquakes are sudden onset events which can cause wide-spread impacts," ani Solidum.
Hindi rin kayang mahulaan ng Phivolcs kung kailan at saan at kung gaano kalakas ang tatamang lindol.
"LGUs should prepare and follow end to end early warning to local residents particularly those in areas that are at risk so they will take proper actions or response," anang opisyal.
Ang Intensity 8 na lindol ay "very destructive," base sa Phivolcs Intensity Scale.
Kahit ang mga matitibay na gusali, tulay, poste ng kuryente ay maaaring mabuwal sa naturang lakas na lindol at maging ang mga bundok at burol ay maaaring magkaroon ng pagguho.
Base pa rin sa Intensity Scale, ang lindol na mararamdaman sa lakas na Intensity 8 ay maaaring bumiyak ng lupa at ang mga tao ay hindi makakayang maglakad o tumayo habang may pagyanig.
Sinabi ni Solidum na ang pinakamagandang panlaban sa lindol ay ang pagiging handa.