Barangay chairman itinumba

BATANGAS, Philippines - Napatay ang 57-anyos na incumbent barangay chairman matapos barilin ng hindi pa kilalang gunman habang nasa loob ng kanyang bakuran sa bayan ng Calaca, Batangas kamakalawa ng gabi. Kinilala ni P/Senior Inspector Jose Naparato, hepe ng Calaca PNP ang biktima na si Chairman Bernardo Buño ng Barangay Puting Bato West sa nabanggit na bayan. Base sa police report, may kausap sa cellphone ang biktima habang nasa kanyang terrace nang biglang lapitan at pagbabarilin bandang alas-8:15 ng gabi. Bagama’t sugatan, nagawa pang makatakbo sa loob ng kanyang bahay ang biktima pero sinundan pa ito at muling pinaputukan ng ilang beses gamit ang cal. 45 pistol. Isinugod pa si Buño sa Metro Lemery Medical Center pero idineklarang patay ni Dr. Roweyn Pangga. Narekober sa crime scene ang 7-basyo ng nasabing baril.

Show comments