MANILA, Philippines - Itinumba ng hindi pa nakikilalang mga lalaki ang mayor ng isang bayan sa probinsya ng Compostela Valley nitong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Reynaldo Navarro, mayor ng bayan ng Laak.
Ayon sa mga ulat, papunta si Navarro at mga escort sa Davao City nang tambangan sila ng hindi pa mabilang na mga salarin sa Purok 7, Barangay Kagiyen, bandang 9 ng umaga.
Naitakbo pa sa ospital si Navarro, ngunit binawian siya ng buhay dahil sa mga tama ng bala ng baril sa kanyang katawan.
Hindi pa batid kung saang grupo nabibilang ang mga nanambang sa alkalde at kung anong motibo sa pamamaslang.