MANILA, Philippines - Patay ang 26-anyos na babae habang kritikal naman ang kanyang ina makaraang masagasaan ng motorsiklo sa kahabaan ng highway sa Barangay Sebucao, bayan ng Bayog, Zamboanga del Sur kamakalawa ng umaga. Kinilala ang namatay na si Arlyn Lariba habang patuloy namang ginagamot sa Jamellarin Hospital ang ina nito na si Esterlita Lariba. Ayon sa imbestigasyon, kabababa lamang ng mag-ina mula sa pampasaherong van galing sa kabayanan ng Bayog at kasalukuyang tumatawid na sa Dumalinao-Margosatubig Road masagasaan ng motorsiklong walang plaka na minamaneho ni Silverio Idol. Nagawa pang maisugod ang mag-ina sa nasabing pagamutan pero binawian na ng buhay si Arlyn habang ginagamot. Isinailalim na sa kustodya ng pulisya ang driver ng motorsiklo.