MANILA, Philippines – Nagambala ang mahimbing na tulog ng mga biktima matapos araruhin ng 10-wheeler truck ang tatlong bahay sa Taytay, Rizal kaninag Martes ng madaling araw.
Patay sa insidente si Domingo Francisco, habang nagpapagaling sa Taytay Doctors Hospital ang iba pang biktimang sina John Lester Eustaquio, John Lennon Eustaquio, Eleanor Eustaquio at John Michael Eustaquio.
Patungong Antipolo City ang trak na may plakang ZRL-306 nang mawalan ito ng kontrol at banggain ang tatlong kabahayan sa bahagi ng Tikling bandang 4:15 ng umaga.
Kaagad tumakas ang tsuper ng trak na ngayon ay pinaghahahanap na ng mga pulis.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property and multiple injuries ang hindi pa nakikilalang driver ng trak.