MANILA, Philippines - Kalaboso ang mestisahing misis at kalaguyo nito makaraang ipakulong ng mister nang madiskubre ang bawal na relasyon ng dalawa sa Barangay Boalan, Zamboanga City, Zamboanga del Sur kamakalawa.
Sa ulat ng pulisya na isinumite sa Camp Crame, dakong alas-8:45 ng gabi nang dumulog sa himpilan ng Women Children Protection Desk ng Zambonga City PNP si Jeffrey Reyes kaugnay sa reklamong pakikiapid ng kaniyang misis.
Kaagad namang rumesÂponde ang mga operatiba ng pulisya at inaresto ang misis na si Marilyn Reyes at ang itinuturong kalaguyo nito na si Oliver Racuma, 25, ng Margosatubig, Zamboanga Del Norte.
Lumilitaw na ipinaalam ng mga kamag-anak ang lantarang pagtataksil ng babae laban sa kanyang mister na sinasabing kalimitang gabi na kung umuwi mula sa trabaho.
Napag-alamang naaktuhan ng mister ang kanyang misis habang nakikipagÂlambingan sa kalaguyo nito na magkahawak kamay pa na naglalakad patungo sa boarding house ng nasabing lalaki.
Sa komprontasyon sa presinto ng pulisya ay nagmakaawa ang misis sa kanyang mister na huwag siyang ipakulong alang-alang sa kanilang pamilya.
Nabatid na ang magkalaguyo ay pinalaya rin matapos ang ilang oras na pagkakakulong nang mapahinuhod ang nasabing mister ng taksil nitong asawa na huwag ng ipursige ang kaso.