7 NPA tumba sa bakbakan

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - – Pitong miyembro ng New People’s Army kabilang ang kanilang kumander ang napatay matapos makasagupa ang tropa ng Scout Ranger ng Phil. Army sa liblib na bahagi ng Sitio Hocdong, Barangay Balocawe sa bayan ng Matnog, Sorsogon kahapon ng umaga.

Base sa ulat na nakara­ting kay P/Chief Supt. Victor Deona, Bicol PNP director, sumiklab ang bakbakan matapos makasagupa ng Phil. Army ang grupo ng NPA na pinamumunuan ni Kumander Cris na sinasabing sasalakay sa isa na namang himpilan ng pulisya.

Aabot sa 30 mga armadong rebelde ang makasagupa ng mga sundalo na kung saan ang grupo ng mga rebelde na pinamumunuan ng isang kinilalang Ka Cris/ Ka Randy  na nasawi sa naturang sagupaan at patungo sa himpilan ng Matnog MPS upang sumalakay ang mga ito.

Tumagal ng 30- minuto ang bakbakan hanggang sa bumulagta ang pitong rebelde kabilang na si Kumander Cris/Randy kung saan nagsitakas naman ang iba pang NPA.

Kabilang sa mga rebeldeng napatay ay sina vice kumander Ka Nick, Ka Ryan, medical staff ng NPA; Ka Botchokoy, at si Elias Garduque habang arestado naman sina Maricel “Ka Russel” Remon, political instructor; at si Intia Garduque na pawang miyembro ng Yunit Guerilya sa Sorsogon.

Narekober sa encounter site ang isang machine gun, anim na M-16 Armalite rifle, mga bala, M203 grenade launcher at mga personal na gamit ng mga rebelde.

Nabatid sa ulat na sasa­lakayin ng mga rebelde ang himpilan ng pulisya sa bayan ng Matnog  kaya gumagapang pa lamang ang liwanag ay inilatag na ang pagpapatrolya ng mga sundalo upang hadlangan ang masamang balak ng mga rebelde.

 

Show comments