Tulay bumagsak: 2 kritikal

Pansamantalang itinigil ang pagkukumpuni ng tulay na bakal sa Barangay Gatbuca, bayan ng Calumpit, Bulacan matapos na bumagsak sa hindi nabatid na dahilan. Boy Cruz

BULACAN, Philippines - – Nakikipagbuno kay kamatayan ang dalawang trabahador matapos maipit sa bumagsak na tulay na bakal na ginagawa sa bahagi ng Barangay Gatbuca, bayan ng Calumpit, Bulacan kahapon ng umaga.

Kasalukuyang ginagamot sa Sta. Cruz Hospital ang mga biktimang sina Jerry David, at Robert Badaybal, 32,  kapwa trabahador ng Wing-An Construction and Development Corp.

Base sa ulat, kinukumpuni ng ilang trabahador ang ibabaw ng tulay kung saan nakaparada ang boom crane na minamaneho si Badaybal nang bigla itong bumagsak at nadamay si David na nasa gilid ng tulay.

Kaagad namang naisalba ang dalawang biktima at naisugod sa nasabing ospital.

Nabatid na kinondena ng mga residente at inulan na ng reklamo ang pagpapatayo ng panibagong tulay dahil sa usad-pagong ang ginagawang tulay kung saan sinimulang gawin noong Hulyo 1, 2013 at hanggang sa kasalukuyan ay wala pang nakikitang itinatayong pundasyon.

Show comments