MANILA, Philippines – Labintatlong miyembro ng Pampanga police ang kinasuhan matapos ang pagpapalit sa nadakip na suspek at hindi pagsusuko ng mga nakumpiskang ebidensya.
Sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group chief, Director Benjamin Magalong na kinasuhan na sina Superintendent Rodney Raymundo, Louie Juico Baloyo IV, Senior Inspector Joven de Guzman Jr., Senior Police Officers 1 Jules Maniago, Donald Roque, Ronald Santos,Rommel Vital, Alcindor Tinio, Eligio Valeroso, Police Officers 3 Dindo Dizon, Gilbert De Vera, Romeo Guerrero Jr., Dante Dizon, at Police Officer 2 Anthony Lacsamana.
Ang 13 pulis ay pawang miyembro ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force Pampanga Provincial Police Office.
Nag-ugat ang kaso sa operasyon ginawa ng grupo noong Nobyembre 2013 sa Mexico, Pampanga nang madakip nila ang isang Chinese national na si Johnson Lee.
Bukod sa pagkakaaresto kay Lee, 200 kilo ng shabu, P55 milyon at isang Toyota Fortuner ang nabawi mula sa suspek ng mga pulis.
Sinabi ni Magalong na hindi sinabi ng 13 pulis ang tunay na dami ng shabu at ang halaga ng perang nakumpiska kay Lee.
Dagdag niya na pinalitan nila si Lee ng isa pang hinihinalang drug lord na si Ding Wenkun ang inaresto.
Nagtanim ng ebidensya ang mga pulis kay Wenkun para makasuhan.