MANILA, Philippines - Dalawang sundalo ang nasugatan makaraang makasagupa ang grupo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Paquibato District, Davao City kahapon ng umaga.
Ayon kay Captain Ernest Carolina, Spokesman ng Army’s 10th Infantry Division, bandang alas-5:38 ng umaga ng makasagupa ng tropa ng 69th Infantry Battalion na nagpapatrulya sa lugar kaugnay ng gaganaping 3 araw na peace summit sa lugar.
Kasalukuyang nagsasagawa ng route security at pagpapatrulya ang mga sundalo ng masabat ang grupo ng mga rebeldeng komunista na nauwi sa bakbakan.
Nasugatan sa bakbakan na tumagal ng 10 minuto ang dalawang sundalo habang mabilis namang nagsitakas ang mga rebelde bitbit ang mga sugatan sa kanilang panig.
Narekober rin sa lugar ang 100 meter blasting wire na gagamitin sana ng NPA rebels sa pagtatanim ng landmine na nasilat ng tropa ng pamahalaan.