4 paslit na mag-uutol natusta sa sunog

Narekober ng mga awtoridad ang halos nagmistulang uling na mga bangkay ng apat na magkakapatid na nasawi matapos ma-trap sa nasusunog nilang tahanan sa bayan ng Dolores, Quezon. - Michelle Zoleta -

Dolores, Quezon, Philippines - - Apat na batang magkakapatid kabilang ang isang sanggol ang nasawi makaraang makulong sa loob ng nasusunog nilang tahanan sa Brgy. Bulakin, Dolores, Quezon nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Ella Medrano, 8 anyos; Jonmar Medrano, 6; Mark Rebenito, 4 at Jasmin Rebenito, 1 anyos na sanggol. Ang mga bata ay magkakapatid sa ina ay pawang nagmistulang uling sa insidente.

Sa ulat ng Quezon Provincial Police Office (PPO),  pasado alas-9 ng gabi ng maganap ang sunog sa tahanan ng mga biktima sa Brgy. Bulakin, Dolores ng lalawigang ito.

Sa imbestigasyon, nagsindi ng kandila ang pa­nganay sa magkakapatid na si Juana, 13 at iniwan ang mga kapatid.

Nabatid na blackout sa lugar matapos namang mag-bog down ang Pagbilao Power Plant na nakaapekto sa supply ng kuryente sa lalawigan.

Gayunman, 45 minuto pa lamang ang nakalilipas ay nilamon ng apoy ang tahanan ng pamilya na mabilis na natupok ng apoy dahilan gawa lamang ito sa pawid, kawayan at sawali kung saan pagbalik ng panganay ay nagtatakbo ito sa mga kapitbahay para humingi ng tulong.

Napag-alaman na wala sa tahanan ang ama at ina ng mga bata dahilan nagtratrabaho ang mga ito sa San Pablo City, Laguna. Isinasai­lalim pa sa masusing im­bestigasyon ang kasong ito.

 

Show comments