NORTH COTABATO, Philippines – Magkakasunod na sinalubong ni kamatayan ang walong sibilyan habang dumarami pa ang nagkakasakit makaraang malason sa pesticide na tumagas sa tubig-inumin sa apat na barangay sa bayan ng Alamada, North Cotabato kamakalawa.
Sa ulat ni Ruben Cadava, municipal administrator ng Alamada, kinilala ang mga namatay na sina Kasay Catahom, 50; Brgy. Dado; Pandoy Penil, 8; Marilyn Pangantion, 4, ng Sitio Bakong; Alias Kirat, 5, ng Sitio Palipayen; Annalisa Landaran, 45, ng Palipayen, Kedang Manto, 24, Sitio Upper Teren-Teren; Hamad Panunte, 6, ng Sitio Rebi sa Brgy. Pigcawaran; at ang isa pa na bineberipika ang pagkakakilanlan.
Samantala, dumarami naman ang nagkakasakit at ginagamot sa Alamada Community Hospital matapos makaranas ng pagtatae, pagsusuka at pananakit ng tiyan matapos makainom ng tubig na sinasabing nahaluan ng pesticide.
Tinukoy naman ng opisyal ang mga lugar na apektado ng pesticide na mga Barangay Dado, Barangay Lower Dado, Barangay Pigcawaran, Sitio Ribi, Barangay Mapurok at iba pa.
Sa inisyal na impormasyon nakalap ng mga awtoridad, lumilitaw na nag-spray ang mga magsasaka ng pesticide sa palayan laban sa mga kulisap.
Gayon pa man, umulan noong Sabado ng gabi kaya tumagas at humalo ang kemikal sa tubig-inumin na pinagkukunan ng mga residente.
Pinaniniwalaang dumaloy ang kemikal sa mga balon na pinagkukunan ng tubig-inumin ng apat na barangay.
Ipapasuri naman ngayong araw sa Kidapawan City ang sample ng tubig na nakuha sa pinag-inuman ng mga biktima habang kumilos na rin ang lokal na pamahalaan para matulungan ang mga biktima. Dagdag ulat ni Joy Cantos