1 patay, 4 sugatan sa bomba na itinanim sa daan

MANILA, Philippines - Isang sundalo ang nasawi habang apat pa ang nasugatan makaraang sumabog ang isang bomba na itinanim ng mga pinaghihinalaang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa madugong ambush sa bayan ng Datu Unsay, Maguindanao nitong Lunes ng tanghali.

Gayunman, pansamantalang hindi muna tinukoy ni Col. Dickson Hermoso ang pangalan ng nasawing sundalo dahilan kailangan pang impormahan ang pamilya nito. Isinugod naman sa pagamutan  ang mga nasugatang sundalo para malapatan ng lunas.

Sinabi ni Hermoso, naitala ang insidente habang buma­bagtas ang convoy ni Col. Gener del Rosario, Brigade Commander ng 1st Mechanized Brigade lulan ng Toyota pickup (KM 450) kasama ang mga security escort nito sa bisinidad ng Meta Bridge, Brgy. Meta, Datu Unsay, Maguindanao dakong alas-10:50 ng tanghali.

Ayon sa opisyal kagagaling lamang ng tropa ni del Rosario sa Shariff Aguak, Maguindanao at patungo sa himpilan ng Army’s 6th Infantry Division sa Awang, Datu Odin Sinsuat  ng lalawigan ring ito ng maganap ang insidente.

Bigla na lamang sumabog ang Improvised Explosive Device (IED) na itinanim ng mga pinaghihinalaang BIFF sa lugar kung saan nasapul ng pagsabog ang nasabing sundalo.

Sa kabila ng sorpresang pag-atake ay mabilis namang nagmaniobra ang mga sundalo at nakipagpalitan ng putok sa mga umaatakeng kalaban.

Napilitan naman ang mga kalaban na umatras sa lugar ng bakbakan matapos na mag-reinforce ang tropa ng Army’s 45th Infantry Battalion sa  ilalim ng pamumuno ni Lt. Col.Donald Hongitan.

Samantala, niyanig din ng malakas na pagsabog ng bomba na hinihinalang itinanim din ng  BIFF  ang national highway ng Pikit, North Cotabato kahapon ng umaga.

Sa ulat ng North Cotabato Police, bandang alas-6:05 ng umaga nang magulantang ang mga residente sa pagsabog ng Improvised Explosive Device (IED) sa bahagi ng national highway.

Ayon kay Senior Inspector Jojie Nicolas, ng North Cotabato Police, mabuti na lamang at walang nasugatan o nasawi sa insidente.

Dahilan naman sa pangyayari ay pansamantalang isinara ang highway sa Brgy. Batulawan at Poblacion sa ba­yang ito habang sinusuyod ng mga bomb experts ng pulisya at Philippine Army ang lugar.

Magugunita na noong Sa­bado ay nasilat ng mga awtoridad ang planong pambobom­ba ng BIFF sa munisipyo ng Shariff Aguak, Maguindanao kasunod ng pagkakarekober ng isang bomba sa lugar.

 

Show comments