MANILA, Philippines - Plano ng Armed Forces of the Philipines na hugutin na mula sa Maguindanao ang isang batalyon ng sundalo na itinalaga sa probinsya pagkatapos pagpaslang sa may 58 katao noong taong 2009.
Sinabi ni 1Lt. Ralph Pantonial, civil-military operations officer of the Army’s 46th Infantry Battalion, nitong Lunes na ililipat ang kanilang yunit sa Davao sa susunod na linggo.
Ayon kay Pantonial, binanggit ni 6th Infantry Division chief Maj. Gen. Romeo Gapuz ang plano sa kanyang farewell visit sa Camp Waray sa bayan ng Ampatuan nitong weekend.
Magreretiro si Gapuz sa Mayo 26.
Ang bayan ng Ampatuan ay ang lugar kung saan walang awang pinaslang ang 58 katao, kabilang ang 30 mamamahayag at miyembro ng political clan ng mga Mangudadatu, noong Nob. 27, 2009.
Ayon kay Pantonial, naniniwala silang maayos na ang kalagayang panseguridad ng probinsya kaya maaari nang bumaklas ang 46th Infantry Battalion, upang magamit naman ang mga tauhan nito sa kampanya ng military laban sa mga rebeldeng komunista sa Davao.