LUCENA CITY, Quezon, Philippines - - Apat na bilanggo ang namatay habang labing-anim naman ang nasugatan sa naganap na kaguluhan na sinasabing may kaugnayan sa relihiyon sa loob ng Quezon Provincial Jail sa Barangay 10, Lucena City, Quezon, kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga namatay na preso ay sina Jose Umali Escasa, Christian Contempalcion, Manuelito Palma at si Gay Esguerra na sinasabing niratrat ng mga kawani ng QPJ sa pangangasiwa ng Bureau of Jail Management and Penology.
Patuloy namang ginagamot sa Quezon Medical Center ang mga nasugaÂtang bilanggo.
Sa inisyal na ulat na nakarating kay P/Supt. Allen Rae Co, hepe ng Lucena City PNP, dakong alas-9:30 ng umaga nang sumiklab ang riot sa loob ng piitan nang tangkaing harangin ng mga preso na mga kasapi ng Sputnik Gang ang paglilipat sa Talipan District Jail ng kanilang lider na si Antonio Satumba.
Nabatid pa na ang grupo ni Satumba ang may paÂkana ng protesta na pigilin ang mga kapwa preso na dumalo sa pagsamba sa kilalang sekta ng relihiyon ng mga kasamahan sa loob ng nasabing piitan na binantaang pang may masamang mangyayari kapag hindi nakiisa sa kanilang plano.
Tinangka umanong agawin ng mga preso ang baril ng mga security escort ni Satumba hanggang sa may magpaputok ng improvised shot gun.
Gayon pa man, naalarma ang mga guwardiya ng BJMP at upang idepensa ang kanilang mga sarili ay pinaputukan ang mga nagwawalang bilanggo na ikinamatay ng apat at pagkasugat ng iba pa.
Kaagad na rumesponde ang mga tauhan ng Lucena City PNP kung saan isinagawang saturation drive sa loob ng kulungan at nadiskubre ang isang sako ng improvised na deadly weapons habang patuloy pa ang imbestigasyon sa nasabing kaguluhan.