Market administrator pinabulagta

Manolo Roxas

BATANGAS, Philippines - Napas­lang ang 60-anyos na market administrator makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem gunmen na napatay naman ng pu­lisya sa naganap na karahasan sa Tanauan City, Batangas kahapon ng tanghali.

Kinilala ni P/Supt. Chris Olazo, hepe ng Tanauan PNP ang biktima na si Market Administrator Manolo Roxas ng Barangay Sambat sa nasabing lungsod.

Napatay din ang dalawang gunmen na lulan ng motorsiklo matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng Tanauan PNP-SWAT habang tinamaan naman ng ligaw na bala ng baril ang mga bystander na sina Pol Hernandes, 16, vendor, residente ng Barangay Hidalgo; at Gemma Alipio, 49, ng Calamba City, Laguna.

Base sa police report, katatapos lang mananghalian ni Roxas at naninigarilyo sa labas ng kanyang opisina sa Tanauan Public Market nang lapitan at ratratin ng dalawang gunmen bandang alas-12 ng tanghali.

Isinugod pa si Roxas sa CP Reyes Hospital pero namatay din ito habang ginagamot ni Dr. Roldan Briones dahil sa mga tinamong tama ng bala sa ulo.

Samantala, nang habulin ng mga tauhan ng Special Weapon and Tactics (SWAT) ang dalawang gunmen na sakay ng motorsiklo ay nakorner naman sa harap Ramonita Subdivision sa Barangay Darasa.

Dito na nagkaroon ng palitan ng putok kung saan bumulagta ang dalawang gunmen habang sugatan naman ang SWAT team member na si PO2 Roberto Janoras.

Show comments