MANILA, Philippines - Tatlong notoryus na kidnapper na wanted din sa kasong murder ang nasakote ng mga awtoridad sa operasyon sa Tacurong City, Sultan Kudarat, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni Sr. Supt. Wilben Mayor, Spokesman ni PNP Chief Director General Alan Purisima ang mga nasakoteng suspek na sina Datukan Montok Samad, alyas Lastikman, Asram Kamlimbog, at Sobo Masandag.
Sinabi ni Mayor na ang mga suspek ay nasakote dakong alas-8 ng gabi kamakalawa sa operasyon ng pinagsanib na elemento ng 44th Special Action Company, 4th Special Action Battalion, Regional Criminal Investigation Unit 12 at Philippine army sa operasyon sa lungsod.
Ang mga suspek ay inaresto base sa warrant of arrest sa kasong kidnapping for ransom at robbery in band with double homicide na inisyu ng korte laban sa mga ito.
Wala namang inirekomendang piyansa ang korte kapalit ng pansamantala ng mga itong kalayaan.
Ayon kay Chief Supt. Getulio Napenas, Director ng Special Action Force (SAF), nasamsam mula sa mga suspek ang dalawang granada.
Magugunita na si Samad ay dati ng nasakote ng mga awtoridad sa Cotabato City noong 2011, ikinulong sa Kidapawan City Jail pero nakatakas ng ilipat sa Cotabato City Jail.
Isinailalim na sa kustodya ng Regional Criminal Investigation and Detection Unit Region 12 ang mga nasakoteng suspek.